Sa isang forum kanina, nasabi ni ser Jun Cruz na ang pinakamabilis na daan pabalik ay ang alaala. Nagkwento sya ng kanyang mga karanasan at kung paano nya ginamit ang kanyang karanasan bilang materyal ng kanyang isinusulat. Tama siya, ang pagpikit at pagsulyap sa alaala ang pinamadaling daan pabalik, pabalik sa kabataan, sa karanasan, sa pag-ibig at pinagmulan. Sa tuwinang dadaraan ka sa alaala ay palaging may kurot ng lungkot at kapirasong saya. Kung minsan, hindi mo naman gustong balikan ang alaala pero sinasakay ka nito pabalik, sa pasilyo ng ika-anim na palapag ng eastwing at northwing, ang pader ng koridor at ang mga aninong binuo sa kamay na itinapat sa sikat ng araw, ang klase, ang tren, ang pamantasan. May mga pagkakataong isasakay kang pilit ng alaala sa paraan ng naririnig na kanta, sa jeep, sa bus o kung saan mang lugar. Dinadala ka rin ng mga pabango patungo sa kahapon, ang pabango ng taong nakasalubong mo lang sa daan at ang amoy ng iyong minahal na katulad niya ay parang nakasalubong mo lang. Ang hangin, ang ulan, ang sikat ng araw maging ang kapaguran, nagpapaalala kung paano mo nakayanan ang matinding trabaho sa pamamagitan ng pag-iisip sa kanya. At ang mga kung anong bagay na bigla mo lang makikita sa daan, mga balat ng pagkain, kendi, plastic at papel. Wala kang ligtas sa alaala hanggang sa pagtulog na sumunod hanggang sa panaginip.
Kung walang kawala sa alaala babaguhin ito ng pluma. Isulat ang gusto natin sanang mangyari, patayin natin lahat ng ating kinaiinisan, patayin, patayin. Ang kahinaan ay gawing kalakasan, ang pagkakamali ay gawing tama, hanggang ang isinulat ay maging alaala ng iba. Ang storyang tatangay sa kanya, ang landas ng alaala.
Buhayin natin sila gamit ang tinta.
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.