Ayos, nabawi ko na yung timbang ko na nawala noong nagkasakit ako. Kaso ay bumalik din yung laki na ng tiyan ko na nawala na noong mga panahong iyon. Hindi pa naman na ako nageexercise. Sakit sa puso ang aabutin ko nito pagnagkataon. Lalo pa’t maulan at pagbabasa ng libro ang inaatupag ko at nakakatulugan ko pa sa hapon at sinasamahan ko pa ng maya’t mayang bisyo. Kakainom ko lang ng tanduay ice. Inantok lang ako. May ginagawa akong tula kanina pero hindi ko mabuo. Gusto ko sanang tumula tungkol sa pagaalinlangan ng isang magulang na kailangang umalis ng bahay para maghanapbuhay pero nagdadalawang isip dahil may banta ng demolisyon sa kanilang lugar. Paano ang pakiramdam ng ganoon? Hindi ka makaalis at ayaw mong iwan ang mga anak mo at ang bahay nyo pero kailangan mo naman magtrabaho para may maipakain at mabuhay. Paano kung paguwi mo ng gabi ay guho na ang abutan mo? Saang parte ng lansangan mo hahanapin ang iyong pamilya at ang inyong mga kagamitan kung mayroon mang nasalba. Marahas ang demolisyon. Paano kung tinamaan ang isa sa kanila ng bato, tinear gas, ma-water canon o ang pinakamalupit, ang tamaan ng bala? Hindi maganda yung buong araw mo sa trabaho ay nagaalala ka sa kanilang kaligtasan. Araw-araw ang pangamba. Hanggang humupa ang pagaalala at isang araw na kung kelan parang lumipas na ang lahat ay saka mo naman daratnan na nangyari na ang kinatatakutan. Makikisilong ka sa bubong ng covered court na ipinagawa ng mismong nagpademolish ng iyong bahay. Anong pakiramdam ng nanunuluyan sa gusali ng kaaway? Anong galit ang mararamdaman mo habang nakapinta ang pangalan ni Mayor sa board ng basketball ring? O habang inaabutan ka ng rasyon ng makakain? Hindi ko maipaliwanag. Hindi ko mabuo ang tula.